Walang nakikitang problema ang Philippine National Police (PNP) hinggil sa presensya ng mga Chinese national sa lalawigan ng Cagayan.
Ito ang tugon ng PNP kasunod naman ng naging pahayag ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na kanilang iniimbestigahan ang pagdami ng bilang ng mga Chinese nationals sa naturang lalawigan.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief, PCol. Jean Fajardo na batay sa impormasyon mula sa mga opisyal ng Pulisya sa Cagayan, ang pagdami ng mga Tsino sa lalawigan ay alinsunod na rin sa imbitasyon ng Commission on Higher Education (CHED).
Nangangahulugan ayon kay Fajardo na ang mga ito ay mga tinatawag na foreign students na piniling mag-aral doon at bahagi na rin ng hakbangin ng Lokal na Pamahalaan.
Paliwanag pa ni Fajardo, mayroon naman aniyang hawak na mga dokumento ang naturang mga Tsino at tiniyak din ng Cagayan Provincial Government na walang dapat ikabahala ang sambayanan dito.
Una nang sinabi ng AFP na masyado pang maaga upang ituring na nakababahala ang pagdami ng mga Tsino sa Cagayan kaya’t mangangailangan sila ng kaukulang pagsisiyasat hinggil dito.
Pero sa ngayon, sinabi ni Fajardo na wala pa naman silang naitatalang mga iligal na aktibidad ng mga Tsino at normal naman nilang ipatutupad ang batas sakaling may paglabag, maging dayuhan o lokal na residente ng lugar gaya ng sa buong bansa. | ulat ni Jaymark Dagala