Tuloy-tuloy ang pag-aabot ng tulong ng pamahalaang barangay ng Batis sa Lungsod ng San Juan sa mga residente sa bahagi ng F. Manalo street na nawalan ng tahanan matapos sumiklab ang sunog kahapon.
Ayon sa mga opisyal ng barangay, aabot sa 100 pamilya ang naabutan nila ng mga “ready-to-eat” meal at pansamantalang pinatuloy sa mga covered gym.
Kanina, naabutan ng Radyo Pilipinas ang ilang mga biktima ng sunog na naghahanap ng mga gamit na kanilang masasagip pa.
Gayunman, doble pasakit ang nararamdaman ng ilang mga residente dahil “nasunugan na nga, nanawakan pa”.
Batay sa ulat ng barangay, kabilang sa mga nawalang kagamitan ay mga laptop, tablet, TV, electric fan, bag na may laman na pera, mga damit at iba pa.
Kasalukuyang nanunuluyan ang mga apektadong residente sa San Juan Gym, Brgy. Batis Multipurpose Center, Balong Bato Covered Court at San Perfecto Covered Court.
Nabatid na umabot sa 3rd alarm ang sunog sa Brgy. Batis na naapula mag-a-alas-8 kagabi kung saan, isang fire volunteer ang nasawi matapos madaganan ng gumuhong istruktura sa sunog.
Patuloy namang iniimbestigahan ng BFP ang dami ng mga nasunog na bahay gayundin ang pinagmulan nito at pinsalang iniwan ng sunog. | ulat ni Jaymar Dagala