Nilinaw ng Security Forces sa probinsya ng Cagayan na walang banta sa seguridad na maaaring iugnay sa mga Chinese student na nasa lalawigan.
Resulta ito ng isinagawang pulong ng Philippine National Police (PNP), Philippine Army (PA), Philippine Marines, National Bureau of Investigation (NBI) at iba pang kaukulang ahensya sa lalawigan.
Ginawa ng mga ahensya ang paglilinaw upang itama ang alegasyon ni Congressman Joseph Lara na nakababahala umano ang pagdami ng mga Chinese national partikular ang mga Chinese student sa probinsya.
Ayon kay PCol. Julio Gorospe, Provincial Director ng Cagayan Police Provincial Office, hindi tumitigil ang monitoring ng pulisya sa iba’t ibang uri ng krimen at maging sa paglalatag ng mga programa upang matiyak ang seguridad sa Cagayan.
Batay sa kanilang talaan ay walang anumang reklamomg natatanggap ang pulisya laban sa mga Chinese student at wala ring records na sangkot ang mga ito sa iba’t ibang uri ng krimen o insidente.
Ayon naman kay BGen. Eugene Mata ng 502nd Infantry Brigade, batay sa kanilang mga intelligence report ay mga New People’s Army (NPA) pa rin ang tinutugis ng sandatahang lakas ng Pilipinas.
Gayunman, nangako ang militar na paiigtingin din nila ang kanilang monitoring sa buong rehiyon. | ulat ni Rey Ferrer