Hinikayat ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang publiko na agad isumbong kung may mga miyembro man ng unipormadong hanay ang nag-ooperate ng mga kolorum na sasakyan.
Ito ang tinuran ni DILG Sec. Benhur Abalos Jr. makaraang selyuhan ang pagsasanib puwersa ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan para supilin ang pamamayagpag ng mga kolorum na sasakyan sa mga lansangan.
Una kasing tinanong ang Kalihim kung ano ang magiging aksyon ng DILG, Department of Transportation (DOTr) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) kung may mahuling miyembro ng uniformed personnel na nag-ooperate ng kolorum.
Ayon kay Abalos, nakikipag-ugnayan na sila sa iba’t ibang grupo hinggil dito subalit mahalaga ang kooperasyon ng publiko upang masupil ito sa pamamagitan ng pagrereklamo.
Sa panig naman ni PNP Chief, PGen. Rommel Francisco Marbil, batid naman ng mga Pulis ang kanilang magiging kapalaran sakaling mapatunayang sangkot sila sa mga iligal na aktibidad.
Kaya’t magsilbi aniya itong babala sa mga Pulis maging sa iba pang uniformed personnel sakaling mapatunayang sangkot nga sila sa operasyon ng mga kolorum sa lansangan. | ulat ni Jaymark Dagala