Aabot sa 131 na mga e-bike, e-trike, tricycle at pedicab ang nahuli ng mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa unang araw ng kanilang panghuhuli kahapon.
Batay ito sa monitoring ng ahensya sa maghapon nilang operasyon mula ala-6 ng umaga hanggang ala-5 ng hapon.
Sa datos ng MMDA, pinakamarami sa mga nahuli ay mga tricycle na nasa 72, pangalawa ang e-bike na nasa 29 na sinundan naman ng mga e-trike na nasa 26 at pedicab na nasa 4.
Magugunitang kahapon, Abril 17 ang unang araw ng panghuhuli ng mga nabanggit na sasakyan alinsunod sa MMDA regulation no. 24-002 series of 2024 na pinagtibay naman ng Metro Manila Council (MMC).
Una nang sinabi ng MMDA na layunin nito na maiwasan ang mga aksidenteng naitatala sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila. | ulat ni Jaymark Dagala