Nakipagpulong si House Committee on Overseas Workers Affairs Chair Ron Salo kay Iranian Ambassador Yousef Esmaeil Zadeh upang masiguro ang kaligtasan ng apat na Pinoy seafarers lulan ng barkong hinarang ng Iranian Navy noong April 14.
Nakakuha ng commitment si Salo mula kay Ambassador Zadeh na titiyakin ng Iran ang kapakanan ng apat na Pilipinong tripulante, lalo at may maganda naman relasyon ang Pilipinas at Iran.
Kung sakali rin na piliin ng apat na Pinoy seafarer na magpa-repatriate ay agad itong aasikasuhin ng Iranian government, basta’t maresolba ang isyu sa barko.
Batid naman ni Salo ang usaping legal sa pagkakaharang ng barko at nagpasalamat sa suporta ng Iranian government sa apat nating kababayan.
“I am grateful for the Iranian government’s assurance that our kababayans are being well-taken care of, with facilities established to allow them to contact their families,” sabi ni Salo.
“Repatriating our fellow countrymen is of paramount importance and requires a collective, whole-of-government effort. We, in the House of Representatives, are committed in reinforcing the initiatives already being undertaken by the Executive branch,” dagdag ng kinatawan.
Plano naman ni Salo na bumisita sa Tehran oras na humupa na ang tensyon sa rehiyon upang makipagdayalogo sa Iranian legislators. | ulat ni Kathleen Jean Forbes