Ramdam na ng ilang nagtitinda at mamimili ang pagbaba ng presyo ng bigas sa mga pamilihan.
Sa pag-iikot ng Radyo Pilipinas sa Agora Public Market sa San Juan City, may nagtitinda ng P43 kada kilo ng well-milled rice.
Ngunit hindi gaya ng mga primera klase na nagkakahalaga ng P50 hanggang P65 ang kada kilo, kapansin-pansing manilaw-nilaw ang kulay nito.
Gayunman, wala itong amoy at sa katunayan ay mas marami ang naghananap nito dahil sa disente namang isaing gayundin ay masarap ang lasa ayon sa mga nakabili na.
Nabatid na mas mababa ito sa price monitoring ng Department of Agriculture (DA) na P46 na kada kilo ng regular-milled at P48 na kada kilo ng well-milled rice.
Una nang ini-ulat ng Philippine Statistics Auhtority (PSA) na bumaba ang farmgate price ng palay nitong Marso sa P24.52 kada kilo mula sa dating P25.03 kada kilo noong Pebrero.
Gayunman, mas mataas pa rin ito ng 32% kung ikukumpara sa P18.57 kada kilo na palay farmgate price noong Marso ng 2023. | ulat ni Jaymark Dagala