Kumikilos na ang Energy Regulatory Commission o ERC para alamin kung ano ang naging dahilan ng biglaang shutdown ng ilang mga planta na nagresulta sa pagnipis ng suplay ng kuryente.
Ito’y kasunod ng abiso ng National Grid Corporation of the Philippines o NGCP hinggil sa paglalagay sa Red at Yellow Alert ng Luzon gayundin ng Visayas Grid simula mamayang hapon.
Sa mensaheng ipinaabot ni ERC Chairperson, Atty. Monalisa Dimalanta, kasalukuyan na silang nagsasagawa ng imbestigasyon hinggil dito.
Ang Red at Yellow Alert ay ipinatutupad kapag manipis ang suplay ng kuryenteng nakukuha mula sa mga power generator o planta ng kuryente.
Nabatid na batay sa abiso ng NGCP, 19 planta ang nakaforce-outage habang 3 iba pa ang kapos sa kapasidad sa Luzon Grid habang 13 planta naman sa Visayas Grid ang naka-force outage at 5 ang may kulang na kapasidad.
Magugunitang lumabas sa ulat ng NGCP noong Martes na may ilang planta ang bigla ring nag-force outage kahit hindi naman naka-schedule ang kanilang maintenance activity. | ulat ni Jaymark Dagala