Isang resolusyon ang inihain ng Makabayan bloc sa Kamara para imbestigahan ang tinatawag na ‘Chinese sleeper cells’ dito sa Pilipinas.
Sa ilalim ng House Resolution 1682, partikular na pinakikilos ang House Committee on National Defense and Security para pangunahan ang pagsisiyasat.
Kasama rin sa pinasisilip ng progressive solons ang napaulat na recruitment ng mga Chinese sa retirado at aktibong miyembro ng AFP at PNP.
Giit ng mga mambabatas, lubhaang nakaka-alarma ang mga report na ito lalo na at mainit ang tensyon sa pagitan ng Pilipinas at China sa West Philippine Sea.
Bagamat itinanggi na ng Chinese embassy na mayroong sleepers cells dito sa bansa, iginiit ng Makabayan na dapat pa rin itong maimbestigahan para sa kapakanan ng mga Pilipino. | ulat ni Kathleen Jean Forbes