Maliban sa pagpapalawak ng joint military exercises sa pagitan ng Pilipinas at Amerika, kasama sa mga paksang inilatag ni Speaker Martin Romualdez sa pakikipag pulong sa US legislators ang pagpapataas sa US foreign military financing.
Sa kaniyang pakikipag dayalogo kay US Sen. William Francis Hagerty, isa sa ipinanukala ni Romualdez ay mataasan ang kasalukuyang 40 million US dollar na United States foreign military financing (FMF).
Aniya, hindi naman maikakaila ang matatg na alyansa ng Pilipinas at US at dahil na rin sa nagbabagong mga hamong kinakaharap ay nararapat lang na taasan ang FMF.
“Given the strength of our alliance, the complexity of our evolving challenges, and our expanding engagements, I hope you will agree that the FMF also needs an increase,” ani Romualdez.
Kasabay nito ay nagpasalamat ang House leader kay Hagerty at kay US Sen. Tim Kaine ng Virginia sa pag-akyat sa US Senate ng PERA of 2024.
Ang panukalang ito ay naglalayon ng bigyan ng 500 million US dollars kada taon na FMF ang Pilipinas mula 2025 hanggang 2029 o kabuuang 2.5 billion US dollars sa loob ng limang taon.
Ayon kay Hagerty, mas palalalimin nito ang dekada nang alyansa ng dalawang bansa.
Naniniwala naman si Kaine na makakatulong ito sa hamong kinaharap ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Kinilala din ni Speaker Romualdez ang malaking ambag ng joint military exercises sa pagpapalakas ng tactical at operational prowess ng bansa.
“These exercises have shown their significant importance in boosting our tactical and operational prowess. With this program, we can improve stability, security, and peace in the Asia-Pacific region and better safeguard our nation,” ani Romualdez. | ulat ni Kathleen Forbes