Dapat ipa-deport at kanselahin ang student visa ng mga dayuhang estudyante na nasasangkot sa sinasabing ‘diploma-for-sale scheme’.
Ito ang mungkahi ni Senador Francis Tolentino kung totoo man aniya ang report na nagbabayad ng hanggang dalawang milyong piso ang ilang Chinese para makakuha ng diploma sa isang pribadong unibersidad sa Cagayan.
Sinabi ng senador na dapat i-validate ng CHED at ng Bureau of Immigration ang impormasyon na ito at gawin ang nararapat na aksyon kung mapatunayang totoo.
Para pa sa senador, nakaka-alarma ang impormasyong ito dahil bukod sa ipinagbibili lang ang mga diploma ay dumadami rin ang mga Tsino doon.
Dapat rin aniyang alamin ng mga awtoridad kung bakit sa Cagayan pinipili ng mga Tsino na ito na kumuha ng diploma. | ulat ni Nimfa Asuncion