Mahigpit na binabantayan ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang power outages ng ilang generation company na nagresulta sa pagtataas ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) sa Red at Yellow Alert sa Luzon at Visayas Grid noong April 16.
Ayon kay ERC Chairperson at CEO Monalisa Dimalanta, kinikilala ng ERC na may malaking epekto ang kasalukuyang power plant outages sa integridad at pagiging maaasahan ng mga grid.
Iniimbestigahan na ng ERC ang mga report mula sa mga apektadong stakeholders upang matukoy ang sanhi ng power plant outages.
Kabilang din sa sinusuri ng ERC kung may naging paglabag ang mga generation company sa protocols at sakaling mapatunayan ay papatawan ng kaukulang parusa ang mga ito.
Nakikipag-ugnayan din ang komisyon sa Department of Energy (DOE), mga generation company, at NGCP kaugnay sa sitwasyon ng kuryente.
Binigyang diin ni Chairperson Dimalanta ang kahalagahan ng matatag at sapat na power supply upang matugunan ang pangangailangan ng mga konsyumer.
Inatasan ng ERC ang mga power plant operator na magsumite ng timeline para sa pagbabalik ng kanilang operasyon. | ulat ni Diane Lear