Ikinalungkot ni OFW Party-list Representative Marissa Magsino ang pagkasawi ng tatlong overseas Filipino worker (OFW) dahil sa pagbaha sa United Arab Emirates (UAE).
Kasabay nito ay ipinaabot ng mambabatas ang pakikiramay sa naiwan nilang pamilya.
Batay sa ulat ng Department of Migrant Workers, dalawang babaeng OFW ang pumanaw dahil sa kakulangan ng hangin sa loob ng kanilang sasakyan nang maipit sa baha habang ang ikatlong biktima ay namatay dahil sa malubhang pinsala mula sa aksidente nang mahulog ang kanyang sasakyan sa isang sinkhole.
Kasabay nito ay nanawagan din si Magsino sa mga Pilipino sa United Arab Emirates na patuloy na mag-ingat at humingi ng tulong sa mga awtoridad.
Maliban sa Konsulado at Migrant Workers Office, maaari din aniya nila ipaalam sa mga kapwa kababayan ang kanilang sitwasyon kung kinakailangan.
Pagtiyak pa nito, na nakahanda ang OFW Party List sa anumang tulong na kakailanganin ng ating mga kababayan at kanilang mga kapamilya. | ulat ni Kathleen Forbes