Kinuwestiyon ni Senate Committee on Public Services Chairperson Senadora Grace Poe ang suhestiyon na maglagay ng eksklusibong lane para sa mga motorsiklo sa EDSA.
Ayon kay Poe, nauunawaan niya ang intensyon ng ma-decongest ang EDSA.
Gayunpaman, iniisip aniya ng senadora kung paanong ipapatupad ang pagkakaroon ng sariling lane para sa mga motorsiklo gayong limitado lang ang espasyo sa EDSA.
Ilang beses na aniyang ginawa ang ganitong eksperimento gaya ng dating ipinatupad ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na non-exclusive motorcycle lane sa EDSA at ang pagkakaroon ng exclusive motorcycle lane sa Commonwealth.
Ayon sa senadora, dapat ikonsidera ng Department of Transportation’s (DOTr) ang mga resulta ng pagpapatupad ng mga nabanggit na polisiya.
Binaggit rin ni Poe ang ilan pang mga concern tungkol sa panukala gaya ng kung layon bang magkaroon ng shared lanes para sa mga motorsiklo at bike; gagawin ba itong standardize sa lahat ng mag hghway; at ang pangamba na maging nakakalito ang iba’t ibang placement ng motorcycle lanes sa iba’t ibang highway.
Idinagdag rin ng mambabatas na ang usaping ito ay nagbibigay diin lang sa pangangailangan na magkaroon ng indpendent fact-based agency gaya ng pinapanukala niyang National Transportation Safety Board na siyang kokolekta sa mga datos at magtatatag ng pamantayan para sa pagtatalaga ng motorcycle lanes. | ulat ni Nimfa Asuncion