Sa pangunguna ng Quezon City bilang Local Government Unit partner para sa Halal awareness campaign ng Department of Trade and Industry, itinampok dito ang kauna-unahang Halal-friendly trade fair, ilang linggo matapos ang Eid’l Fitr.
Tampok sa nasabing trade fair ang mga produktong halal mula sa pagkain, cosmetics, mga damit, frozen at non-frozen meat at marami pang iba.
Ipinagmamalaki ni Quezon City Mayor Joy Belmonte na ang kanilang siyudad ay isang ‘inclusive city’ na siyang nagpapahalaga sa kanilang Muslim community.
Aniya, nagagalak siya sa dami ng Muslim sa kanilang lungsod na aabot sa humigit-kumulang 50,000 at ito ay kinikilala at nasa pangangalaga ng kanilang LGU sa ilalim ng Muslim Affairs Office.
Dagdag pa ng alkalde, bilang patunay sa kanilang mandato na palakasin ang Halal at inclusivity sa Quezon City, maliban sa pagkakaroon ng Halal trade fair, bazaar at ibang mga programa, lumikha rin ang kanilang lungsod ng “Pangkabuhayan QC” kung saan libo-libong mga Muslim ang nakikinabang dito na magpatayo ng kanilang small businesses.
“Para po mas lalo natin maiparamdam sa ating mga Muslim brothers and sisters that they are loved and included in Quezon City”, ani Belmonte.
Sa ngayon, ayon pa sa alkalde, aktibo sila sa pag-promote ng Halal products at mayroon ding assistance mula sa kanilang LGU upang mas makalikha pa ng mas maraming halal products, mas maka-access sa Halal market at mas matulungan pa economically ang mga Muslim sa kanilang komunidad.
Aniya, pagpapatunay ito na gusto rin nilang iparamdam sa lahat na ang halal ay hindi lamang para sa mga Muslim.
“We also want to break the Myth that halal is just for the Muslims and now we want to promote that halal is for everybody”, saad ni Belmonte.
Ang Halal-Friendly Trade Fair ay kasalukuyang makikita sa loob ng Risen Garden sa Quezon City Hall compound. | ulat ni Princess Habiba Sarip-Paudac