Posibleng mailabas na anumang araw mula ngayon ang desisyon ni Philippine National Police (PNP) Chief, PGen. Rommel Francisco Marbil kaugnay sa inihaing rekomendasyon ng PNP Firearms and Explosives Office (FEO) para kanselahin ang lisensya ng mga baril ni Kingdom of Jesus Christ Founder, Pastor Apollo Quiboloy.
Ayon sa Public Information Officer ng PNP-FEO na si PMaj. Lady Lou Gondales, masusing pinag-aaralan ng legal team mula sa Office of the Chief PNP ang kanilang rekumendasyon.
Sakaling mapirmahan na ng PNP Chief, sinabi ni Gondales na babalik ito sa kanila kalakip ang kautusan para ipatupad ito.
Una nang sinabi ni PNP Public Infomation Office Chief, PCol. Jean Fajardo na posibleng ngayong linggo lamang maaprubahan ang rekumendasyon ng FEO.
Malinaw na kasi ngayon ani Fajardo na mayroong batayan ang naging rekumendasyon laban kay Quiboloy na nahaharap sa mga kasong sexual abuse at human trafficking. | ulat ni Jaymark Dagala