Kumikilos na rin ang Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) para tuntunin kung sino ang nasa likod ng kumalat na deep fake video ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Ayon kay PNP-ACG Director, PBGen. Sidney Hernia, hiniling na nila sa pamunuan ng Youtube ang preservation ng datos ng channel na may pangalang “Dapat Balita” habang naka-down na rin ang facebook page nito.
Nagpapatuloy din ang cyberpatrolling operations ng PNP-ACG para alamin kung sinu-sino pa ang mga nagpapakalat ng nasabing video na posibleng konektado sa gumawa nito.
Babala ni Hernia, mahaharap sa kasong paglabag sa Article 154 ng Revised Penal Code na may kaugnayan sa Section 6 ng Republic Act 10175 dahil sa hindi awtorisadong pagpapakalat ng malisyoso at mapanirang video laban sa Pangulo.
Sa huli nanawagan si Hernia sa publiko na maging mapanuri at ugaliing suriing maigi ang source ng mga ise-share nila sa social media upang hindi mabiktima ng disinformation na mas kilala sa tawag n “fake news”. | ulat ni Jaymark Dagala