Muling nanawagan ang Pilipinas at Estados Unidos sa China na sumunod sa United Nations Convention on the Law of the Sea at galangin ang 2016 Arbitral Ruling na kumilala ng karapatan ng Pilipinas sa kanyang Exclusive Economic Zone sa West Philippine Sea.
Ang panawagan ay bahagi ng napagkasunduan ng dalawang bansa sa 11th Philippines-United States Bilateral Strategic Dialogue sa Washington, D.C. na isinagawa mula Abril 22 hanggang 23.
Sa Joint statement na inilabas ng magkabilang panig, nanawagan ang Pilipinas at Estados Unidos sa China na tigilan ang agresibo at mapanganib na aksyon sa West Phil. Sea na hindi naayon sa obligasyon nito sa ilalim ng UNCLOS, at ang ilegal na paghadlang sa Freedom of Navigation ng Pilipinas sa naturang karagatan.
Kaugnay nito, nagkasundo ang Pilipinas at Estados Unidos na paigtingin ang pagtutulungan para suportahan ang isang malaya, ligtas at bukas na Indo-Pacific Region, at tumuklas ng mga karagdagang oportunidad para mapalakas ang pandaigdigang suporta sa pagtataguyod ng international Law of the Seas. | ulat ni Leo Sarne