Nagsimula na kaninang umaga ang Multilateral Maritime Exercise sa Palawan na bahagi ng Balikatan 2024.
Ayon kay Armed Forces of the Philippines Western Command Spokesperson Capt. Ariel Coloma, magkakahiwalay na umalis mula sa Puerto Princessa, Palawan ang BRP Ramon Alcaraz (PS-16), at BRP Davao Del Sur (LD-602) ng Philippine Navy, ang FS Vendemiaire ng French Navy, at USS Harpers Ferry ng US Navy.
Sabayang maglalayag ang mga barko sa silangang bahagi ng Palawan sa Hilagang direksyon patungo sa Mindoro strait hanggang sa makarating sa West Philippine Sea.
Sinabi ni Coloma na magsasagawa ng iba’t ibang pagsasanay ang mga barko habang naglalayag, kabilang ang Division tactics, Officer of the Watch maneuvers, photo exercise at gunnery exercise.
Sinabi ni Coloma na ang MME na tatagal hanggang Abril 29 ay sa layong mapahusay ang interoperability ng magkakaalyadong pwersang pandagat at bahagi ng pagtataguyod ng Freedom of Navigation alinsunod sa international Law. | ulat ni Leo Sarne