Nilagdaan ang isang kasunduan sa pagitan ng Office of the Presidential Adviser for Peace Reconciliation and Unity (OPAPRU) at Lanao del Norte Provincial Government ukol sa pag-localize ng “Normalization Program” para sa mga dating Moro Islamic Liberation Front (MILF) Combatant.
Ang kasunduan ay nilagdaan ni Presidential Peace Adviser Secretary Carlito Galvez Jr. at Lanao del Norte Governor Imelda Quibranza-Dimaporo, kasama ang iba pang mga opisyal noong Martes sa Tubod, Lanao del Norte.
Sa ilalim ng kasunduan, ang pamahalaang panlalawigan ang mangunguna sa pagpapatupad ng mga programa at proyekto para makabalik sa normal na pamumuhay ang mga dating mandirigma.
Ayon sa OPAPRU, sa pamamagitan nito ay magiging mas-involved ang pamahalaang panlalawigan sa “peace-building process” sa kanilang lokalidad, at magagawa nilang mas angkop ang mga programa sa pangangailangan ng mga nagbalik-loob sa mga komunidad na kanilang nasasakupan. | ulat ni Leo Sarne
📸: OPAPRU