Pinadaragdagan pa ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga kinauukulan ang mga hakbang nito para makakalap ng kailangang impormasyon upang masakote ang mga may kinalaman sa online sexual abuse and exploitation of children.
Sa isinagawang briefing sa Malacañang, sinabi ni Atty. Margarita Magsaysay, Executive Director ng Department of Justice (DOJ) Center for Anti-Online Child Sexual Abuse na nais ng Pangulo na magkaroon pa ng improvement sa pagkuha ng tip at sa huli ay magkaroon ng kailangang lead para sa pagkakatiklo ng mga sangkot sa nasabing krimen.
May kani-kanya aniyang expertise ang bawat ahensiya ng pamahalaan na may partisipasyon sa pagtugis sa mga nasa Online Child Sexual Abuse at ang nais ng Presidente ay magamit ng mga ito ang kanilang kasanayan sa kani- kanilang papel.
Sa kanilang panig ani Magsaysay ay pinagpo-pokus sila ng Pangulo sa prosekusyon habang ang mga nasa law enforcement ay dapat aniyang paigtingin ang crack down sa mga perpetrators sa pamamagitan ng pagkuha pa ng mas maraming lead. | ulat ni Alvin Baltazar