Isinusulong ni Senador Jinggoy Estrada ang pagsasabatas ng paglalaan ng mga bangko ng 10 porsyento ng kanilang loan portfolio para sa mga micro, small, and medium enterprises.
Inihain ng senador ang Senate Bill 2632 para makatulong na mapanatili ang operasyon ng mga maliliit na negosyo sa bansa.
Ayon kay Estrada, ang hakbang na ito ay magtitiyak na magkakaroon ang mga MSMEs ng access sa kinakailangan nilang financial support.
Sa ilalim kasi ng kasalukuyang batas, o ang RA 6977, eight percent lang ng loan portfolio ng mga bangko ang inilalaan para sa mga micro and small enterprises habang two percent naman para sa mga medium enterprises sa loob ng 10 taon.
Binigyang-diin ni Estrada na ang mga MSME ay bumubuo ng 99.59 percent ng mahigit isang milyong negosyo sa bansa.
Sila aniya ang bumubuhay sa ekonomiya ng ating bansa at nagbibigay ng trabaho sa 65.1 percent ng kabuuang bilang ng mga manggagawa.
Kaya naman giniit ng senador na dapat lang mabigyan sila ng sapat na suporta sa ilalim ng mga umiiral nating batas dahil kung madadagdagan ang bilang ng mga namumuhunan at nagnenegosyo nating mga kababayan, tataas din ang bilang ng mga may trabahong Pilipino. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion