Ligtas at maayos na naiturn-over sa pangangalaga ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang 49 na naninirahan sa lansangan, kasama ang 38 na Indigenous People (IP).
Kasunod ito ng ikinasang reach out operation ng Quezon City local government, katuwang ang DSWD, Commission on Human Rights, Metro Manila Development Authority (MMDA), National Capital Region Police Office (PNP-NCRPO), at ang Quezon City government – Task Force Sampaguita (TFS) sa dalawang areas of concern sa Distrito 1 at 4.
Natukoy na dalawa sa mga nailigtas ang residente ng lungsod na inirehistro sa Pag-abot ID upang magkaroon ng pagkakilanlan.
Dinala naman ang mga naabot na indibidwal sa Processing Center ng programa upang mabigyan ng paunang tulong gaya ng pagkain, medikal, at pagkakakilanlan gaya ng Pag-abot ID habang inaalam ang kani-kanilang probinsyang uuwian.
Kasama rin sa nasagip ang apat na alagang hayop.
Tiniyak naman ng LGU na sinunod sa operasyon ang rights-based approach o paggalang sa karapatang pantao ng mga indibidwal.
Sa mas pinalawak na Pag-abot Program ay walang tigil na pangungumbinsi ang patuloy na ginagawa ng Pag-abot Team upang matulungan at mailayo sa kapahamakan ang bawat naninirahan sa lansangan. | ulat ni Merry Ann Bastasa