Muling nagsagawa ng operasyon ang mga tauhan ng Special Action and Intelligence Committee for Transportation (SAICT) sa EDSA Busway sa Santolan at Ortigas ngayong umaga.
Pero sa kabila ng umiiral na panuntunan hinggil sa mga sasakyang awtorisadong dumaan dito, tila may ilan pa rin ang hindi natuto.
Gaya na lamang ng mga sasakyan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) na natiyempuhan sa operasyon sa EDSA-Ortigas ngayong umaga.
Wala silang rerespondehang emergency at inamin ng mga tsuper nito na sila’y nagmamadali kaya dumaan sa busway.
Dahil dito, binigyan sila ng violation ticket para pagmultahin sa kanilang naging paglabag.
Malinaw ang atas ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga kawani ng pamahalaan na maging huwaran sa iba pang mga motorista.
Samantala, marami ring ambulansya ang hinarang ng SAICT subalit nang malamang may karga silang pasyente na ihahatid sa ospital ay agad din silang pinaraan. | ulat ni Jaymark Dagala