Sinuyod ngayong umaga ng mga tauhan Metro Manila Development Authority (MMDA) Strike Force ang ilang mga kalsada sa South Triangle para sa clearing operations partikular sa mga lugar na magsisilbing alternatibong ruta oras na magsara na ang EDSA Kamuning Flyover SB.
Ito ay para masigurong walang haharang sa mga kalsadang inaasahang daraanan ng mga motorista simula sa May 1.
Pinangunahan nina MMDA Assistant General Manager for Operations David Angelo Vargas at MMDA Strike Force OIC Gabriel Go ang clearing ops na nagikot mula Panay Ave., Sct. Tuason, Sct. Borromeo, at Sct. Madrinan.
Sa bahagi ng Sct. Tuason, pinagdadampot ang mga motorsiklong iligal na nakaparada gayundin ang mga tindahang nakaharang sa sidewalk at kalsada.
Tineketan kahit ang mga pribadong sasakyan at tricycle sa kahabaan ng Sct Borromeo.
Mayroon pang maliit na karinderia sa Sct Madrinan ang pinabaklas at kinumpiska ang mga upuan at mesa dahil nakakaabala rin sa kalsada.
Punto ni AGM David Angelo Vargas, mahalagang maalis ang mga nakaharang dito at hindi na makadagdag pa sa trapiko.
Maging sa GMA network drive ay hind rin pinatawad at pinagtitiketan ang nasa 70 motorsiklo at pribadong sasakyan na nakaparada sa gilid ng kalsada kahit na may no parking na nakapaskil dito. | ulat ni Merry Ann Bastasa