Kasabay ng selebrasyon ng World Immunization Week, naniniwala Anakalusugan Rep. Ray Reyes na kailangan nang rebyuhin ang vaccination program ng pamahalaan.
Bunsod na rin ito ng measles at pertussis outbreak na kinakaharap ngayon ng bansa.
Para sa mambabatas, hindi katanggap-tanggap na nagkaroon muli ng outbreak ng naturang mga sakit.
“It is unacceptable that news of measles and pertussis outbreaks come amid our celebration of World Immunization Week. We call on the Department of Health (DOH) to urgently review our vaccination program. We need to make sure that our kababayans remain protected especially against preventable diseases,” ani Reyes
Batay sa datos ng DOH, hanggang nitong April 13, umabot na sa 1,566 ang kaso ng pertussis sa buong bansa.
Habang ang measles naman, nasa 1,817 na kaso na mula Enero a-uno hanggang Abril a-trese o limang beses na mas mataas kumpara noong kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Umapela din ang mambabatas sa mga magulang na tiyaking mabakunahan ang kanilang mga anak.
“Libre po ang bakuna sa ating mga centers. Pertussis and measles are preventable diseases at napakahalaga na mabakunahan ang mga bata laban dito. Kaya hinihimok po natin ang ating mga kababayan na huwag mag-atubiling pabakunahan ang kanilang mga anak,” dagdag niya.
Kinalampag din ni Reyes ang DOH na labanan ang disinfomation campaign na sumisira o nananakot kaugnay sa pagbabakuna.
“Simula po noong pandemya, naging kalat na ang fake news na maraming side effects ang mga bakuna. Nakikiusap po tayo sa ating mga kababayan na huwag maniwala sa mga ito. Hinihimok din natin ang DOH at mga LGU na palawigin ang mga programang nagpapakita sa ating mga kababayan na ligtas at kailangan ang mga bakuna lalo na sa mga bata,” giit pa niya. | ulat ni Kathleen Jean Forbes