Nagsampa ng pormal na reklamo sa opisina ng Office of the Provincial Prosecutor ang isa sa pamilya ng namatay na opisyal sa Brgy. Daja Diot, San Isidro, Leyte.
Sinalaysay ni alyas John, barangay tanod at pinsan ng namatay na kapitan ng barangay sa Daja-Diot na kinilala na si Elizalde Tabon, ang nangyaring shooting incident noong nakaraang Pebrero 24, 2024.
Sa kanyang formal complaint sa Office of the Provincial Prosecutor, sinalaysay ni alyas John ang pangyayari at tinukoy ang suspek sa naturang insidente.
Ayon dito, nasa Barangay Hall sila kasama ang kapitan na si Tabon, dalawang kagawad, at isa pang barangay tanod nang biglang may dumating na apat na kalalakihan sakay sa dalawang motorsiklo.
Pagkababa ng mga ito sa motorsiklo ay kaagad na binaril ang dalawa sa mga kasama nito na sina Rusty Andoy Salazar at Alex Bacor na nakaposisyon sa pintuan.
Matapos nito ay pumasok din ang mga gunmen sa loob at pinagbabaril sina Kapitan Tabon at ang kagawad na si Paolo Mendero, resulta ng pagkamatay nito.
Positibo namang tinukoy ni alyas John ang suspek na si Manuelito Sidaya alias Opaw, dating nakadestino sa San Isidro PNP.
Ayon dito, kilala niya si alyas Opaw dahil madalas niya itong makita sa checkpoint sa San Isidro noong panahon ng pandemya.
Kwento pa ni alyas John na nakaligtas sila mula sa naturang insidente dahil bigla itong tumalon sa likod na bakod matapos ang shooting.
Direkta naman itong nagsampa ng reklamo sa provincial prosecutor at hindi sa kapulisan sa San Isidro dahil na rin sa takot at wala na silang tiwala sa naturang mga kapulisan.
Si Opaw ay isa rin sa mga tinuturong suspek sa pagpatay sa dating municipal administrator ng San Isidro, Leyte na si Levi Bambam Mabini noong 2019 election.
Wala pa namang tugon ang PNP sa naturang kaso. | ulat ni Mike Rogas