Nakatutok pa rin ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa paghahatid ng assistance sa mga komunidad at lugar sa bansang nakararanas ng matinding epekto ng El Niño Phenomenon.
Muling nakipagpulong ang Disaster Response Management Group (DRMG), sa mga Regional Director ng DSWD Field Offices (FOs) para talakayin ang ongoing na interventions sa mga rehiyong tinamaan ng tagtuyot.
Kasama sa tinalakay ang status ng standby funds at stockpile sa mga rehiyon, assessment sa mga apektadong populasyon, pagtukoy sa priority areas, at pagpapatupad ng targeted interventions sa mga apektadong pamilya at indibidwal.
Binigyang diin naman ni DRMG Undersecretary Diana Rose Cajipe ang pangangailangan na mapaigting pa ang kolaborasyon para sa tuloy-tuloy na disaster response initiatives sa El Niño pati na sa nakaambang banta rin ng La Niña.
“At the forefront of our mandate is the welfare and protection of our fellow Filipinos, especially in times of disaster. Through this prompt and collaborative effort, we are strengthening our commitment to providing timely and effective assistance to communities grappling with the impacts of El Niño,” ani Usec. Cajipe.
As of April 29, ay umakyat na sa higit sa 655,000 na pamilya o katumbas ng 2.7 milyong indibidwal ang apektado ng El Niño sa 13 rehiyon sa bansa.
Kaugnay nito, sumampa na rin sa ₱89-milyong halaga ng humanitarian assistance ang naihatid ng DSWD habang nananatiling available ang higit dalawang bilyong pondo pa ng ahensya para umagapay sakaling madagdagan ang apektado ng El Niño. | ulat ni Merry Ann Bastasa