Balik na muli sa normal ang daloy ng trapiko sa northbound lane ng EDSA-Ortigas ngayong umaga.
Ito’y matapos mahatak na ng mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang taxi na bumangga sa traffic sign post at concrete barrier sa paanan ng EDSA-Ortigas Flyover kaninang alas-3 ng madaling araw.
Batay sa inisyal na impormasyon mula sa MMDA, aminado ang tsuper ng naaksidenteng Taxi na nakatulog siya kaya’t bumangga ito sa traffic sign post at concrete barrier sa lugar.
Nagmula sa Makati City ang 70-taong gulang na Taxi driver at papauwi na ito sa Novaliches sa Quezon City nang mangyari ang aksidente.
Bagaman walang tinamong major injuries ang Taxi driver, dumaraing ito ng pananakit ng katawan subalit wasak naman ang unahang bahagi ng minamaneho niyang sasakyan at halos matanggal pa ang gulong.
Dinala na sa impounding area ang taxi habang nahaharap naman sa reklamo ang driver nito partikular na ang Reckless Imprudence Resulting to Damage to Property. | ulat ni Jaymark Dagala