Katuwang ng iba’t ibang tanggapan ng pamahalaan sa pagbabantay sa konsumo ng tubig ng residential areas sa NCR ang Metropolitan Waterworks Sewerage System (MWSS).
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni MWSS Engr. Patrick Dizon na nakipagpulong na rin sila sa Water Resources Management Office ng DENR, maging sa kanilang concessionaire kaugnay dito.
Isa aniya sa kanilang ipatutupad ay ang pagpapadala ng abiso sa kanilang consumers.
Paliwang ng opisyal, kung bumaba ang pagkonsumo ng tubig ng kanilang customers, kikilalanin aniya nila ito sa pamamagitan ng notice sa kanilang bill.
Sakali naman na tumaas ang konsumo sa tubig, iimbestigahan nila kung mayroong tagas sa water system ang isang bahay.
“I-expect po ng mga customers po natin na makaka-receive po sila ng mga notices po sa kanilang mga billing, kung iyong mga kanilang naging konsumo po ay tumaas ba o bumaba. So kung bumaba po iyong kanilang konsumo ay iri-recognize po natin sila, pero kung malaki po iyong itinaas po ng kanilang konsumo ay atin pong iimbestigahan po ito,” — Engr. Dizon.
At kung wala naman, aabisuhan nila ito at tuturuan ng mga paraan kung papaano makapagtipid ng tubig.
“At kung napatunayan po na wala naman pong leak sa kanilang kabahayan ay wa-warning-an po natin sila at tutulungan po natin at tuturuan po natin kung paano po makatipid ng paggamit po ng tubig,” — Engr. Dizon. | ulat ni Racquel Bayan