Muling nagkasa ngayong umaga ng follow-up clearing operations ang MMDA sa Mabuhay Lanes sa bahagi ng South Triangle na nagsisilbing alternatibong ruta habang nakasara pa ang southbound lane ng EDSA-Kamuning flyover.
Tinutukan mismo ni MMDA General Manager Procopio Lipana ang clearing operations kung saan puntirya pa rin ang mga sasakyang iligal na nakaparada at mga illegal vendor partikular sa kahabaan ng Panay Ave. at Sgt Esguerra St.
Binalikan rin ang kahabaan ng Sct. Madrinan kung saan nagsibalikan ang mga illegal vendor. Hindi naman kinumpiska ang kanilang mga gamit pero inabisuhang muli na magbaklas na at humanap ng hiwalay na pwesto.
Ayon kay MMDA GM Lipana, dapat maunawaan ng mga vendor na hindi maaaring magtinda sa mga bangketa dahil nakakaabala ito sa trapiko sa tuwing may hihintong sasakyan para kumain.
Sinita rin maging ang ilang residente na ginagawang tambakan ng mga manok na panabong ang gilid ng kalsada.
Pagtitiyak naman ng MMDA, aaraw-arawin nito ang clearing ops sa naturang lugar para masigurong hindi na babalik dito ang mga illegal vendor gayundin ang mga iligal na nakaparada. | ulat ni Merry Ann Bastasa