Hindi tatantanan ng mga operatiba ng Special Action and Intelligence Committee on Transportation (SAICT) ang pagkakasa ng operasyon sa kahabaan ng EDSA Busway
Sa bahagi ng EDSA-Santolan, 8 motorsiklo at isang ambulansya ang binigyan ng ticket ng SAICT dahil sa hindi awtorisadong pagdaan sa busway.
Katuwiran ng driver ng ambulansya, galing sila ng Cavite at may inihatid na pasyente sa East Avenue Medical Center subalit pagbalik ay may daraanan pa raw sila sa Mandaluyong kaya’t dumaan sa busway.
Hindi umubra ang palusot na ito dahil sa walang maipakitang dispatch order ang driver ng ambulansya kaya siya binigyan ng ticket at pagmumultahin ng 5,000 sa unang paglabag.
Katuwiran naman ng mga nahuling motor-rider, nagmamadali na sila papasok sa trabaho kaya’t ginamit ang EDSA busway bilang overtaking lane.
Pero bukod sa walong motor rider na nasita ng SAICT, may dalawang motor rider naman ang mabilis na humalo sa kumpol ng mga naka-motor matapos mamataan ang mga nanghuhuli at tumakas sa mga awtoridad. | ulat ni Jaymark Dagala