Naniniwala si PNP Chief Police General Rommel Francisco Marbil na hindi “demolition job” laban sa kanya ang kumalat na fake news sa pag-bawas sa benepisyo ng mga pulis.
Ito ang sinabi ng PNP Chief makaraang lumutang ang balitang babawasan ang natatanggap na rice subsidy ng mga pulis at maging ang natatanggap na Combat Incentive Pay at Combat Duty Pay ng mga ito.
Ayon kay Gen. Marbil, kumikilos na ang Anti Cybercrime Group upang matukoy ang nasa likod ng pagpapakalat ng maling impormasyon.
Nauna nang pinulong ni Marbil ang kanyang mga field commanders para pabulaanan ang ulat at iginiit na hindi ito pwedeng gawin ng PNP dahil alinsunod sa batas ang pagbibigay ng benepisyo sa mga pulis. | ulat ni Leo Sarne