Sinegundahan ni National Security Adviser Sec. Eduardo Año ang panawagan ni Department of National Defense (DND) Sec. Gilbert Teodoro sa Deparment of Foreign Affairs (DFA) na aksyunan ang ilegal na aktibidad ng mga tauhan ng Chinese Embassy.
Sa isang kalatas, sinabi ni Sec. Año na dapat gumawa ng kaukulang hakbang ang DFA laban sa mga tauhan ng Chinese Embassy na responsable sa umano’y recording ng pakikipagusap sa isang opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ng Chinese diplomat dahil sa paglabag sa Anti wire-tapping Law.
Iginiit ni Sec. Año na ang paulit-ulit na pagpapalabas ng Chinese embassy ng “disinformation, misinformation, and malinformation” ay hindi dapat palampasin.
Binigyang diin ni Sec. Año na malinaw ang layunin ng Chinese Embassy na lumikha ng kaguluhan at dibisyon sa mga mamamayang Pilipino, na seryosong paglabag sa sa international Relations at diplomasya.
Dapat lang aniyang mapalayas sa bansa ang mga tauhan ng Chinese Embassy na nasa likod ng “malign influence” at “interference Operations” dahil sa paglabag sa batas ng Pilipinas at sa Vienna Convention on Diplomatic Relations. | ulat ni Leo Sarne