Itinakda na ng Judicial and Bar Council ang gagawin nitong public interview para sa mga nagnanais na maitalaga sa mga bakanteng posisyon sa Court of Appeals, Sandiganbayan at Ombudsman.
Ang public interviews ay gagawin mula May 20 hanggang June 7, 2024, mula alas 9 ng umaga hanggang alas 5 ng hapon sa Supreme Court Division Hearing Room.
Apat na bakanteng posisyon ang pupunan sa Court of Appeals Associate Justice matapos maitalaga bilang Presiding Justice si Mariflor P. Castillo noong November 14, 2023 habang mababakante na rin ang tatlong Associate Justice dahil sa compulsory retirement nina Justices Oscar V. Badelles noong April 20, 2024; Ramon R. Garcia na nagretiro ngayong araw May 10, 2024 at Alfredo D. Ampuan na magreretiro June 6, 2024.
Dalawang Associate Justice naman ang bakanteng posisyon sa Sandiganbayan dahil sa pagreretiro nina Justices Oscar C. Herrera, Jr., sa May 23, 2024 at Efren N. De La Cruz sa June 18, 2024.
Magiging bakante na rin ang Ombudsman Special Prosecutor dahil sa pagtatapos ng termino ni Edilberto G. Sandoval sa June 27, 2024.
Ang mga magiging nominado ay isusumite ng JBC kay Pang. Bongbong Marcos Jr para ito ang magtatalaga para sa mga nabanggit na bakanteng posisyon. | ulat ni Michael Rogas