Ipinagmalaki ng Quezon City Police District ang kanilang bagong achievement nang makamit ang 100% crime clearance efficiency sa walong focus crimes sa Quezon City mula Mayo 6-12, 2024.
Sa nasabing panahon, naitala ang 22 insidente ng walong focus crimes tulad ng murder, homicide, physical injury, rape, theft, robbery, car theft, at motorcycle theft, kumpara sa 28 insidente na naitala mula noong nakaraang linggo.
Ayon kay QCPD Director Police Brigadier General Redrico Maranan, nakitaan ito ng pagbaba ng anim na insidente o 21.43%.
Bukod dito, tumaas ang crime solution efficiency mula 71.43% hanggang 95.45% na minarkahan ng 24.02% na pagkakaiba mula Abril 29 -Mayo 5, 2024, hanggang Mayo 6-12, 2024.
Samantala, ang street crimes naman ay nagtala ng isang insidente para sa tatlong (3) magkakasunod na linggo.
Ang mga tagumpay na ito aniya, ay nagmumula sa pinaigting na police visibility, pagtaas ng presensya ng pulisya, at pagpapatupad ng 24/7 checkpoints sa buong Quezon City.
Binibigyang-diin ng opisyal ang pagiging epektibo ng pinaigting na mga kampanya laban sa lahat ng uri ng kriminalidad at mga inisyatiba sa pakikipag-ugnayan sa komunidad na pinangunahan ng police district. | ulat ni Rey Ferrer