Pinag-aaralan ng Philippine National Police ang posibleng pagsasampa ng kaso sa Ombudsman laban sa piskal na nagpalaya sa dalawang pulis na kabilang sa limang suspek sa pagpatay kay Police Capt. Roland Moralde sa Parang, Maguindanao.
Ito ang inihayag ni PNP Public Information Office Chief Police Col. Jean Fajardo sa pulong balitaan sa Camp Crame kahapon, matapos na ideklarang ‘absent without leave’ o AWOL sina Master Sergeant Aladdin Ramalan at Shariff Balading epektibo kahapon (May 16).
Matatandaang pinalaya ng piskal ang dalawang pulis noong nakaraang linggo sa kabila ng malakas na ebidensya laban sa kanila.
Matapos palayain ang dalawang pulis, hindi na nagpakita ang mga ito sa Police Regional Office Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR) noong Lunes at binalewala ang return to work order na inisyu ng PNP para maisailalim sa restrictive custody.
Ayon kay Fajardo, may impormasyon ang PNP na maaring may “conflict of interest” ang prosecutor dahil ang asawa nito ay posibleng kamag-anak ng dalawang suspek na pulis.
Dahil dito, nag-file na rin aniya ang PRO-BAR ng omnibus motion for reconsideration of inhibition laban sa associate provincial prosecutor. | ulat ni Leo Sarne