Puspusan na ang Quezon City (QC) government sa paglilinis at pagtanggal ng mga bara sa mga daluyan ng tubig ngayong nararamdaman na ang mga pag-ulan.
Ayon sa LGU, nag-iikot na ang District Action Offices at QC Engineering Department sa iba’t ibang lugar para sa paglilinis ng mga baradong kanal.
Nais tiyakin ng LGU na maalis ang mga bara at basura sa mga daluyan ng tubig bago pa dumating ang panahon ng tag-ulan.
Una nang isinagawa ang declogging, repair, at clean-up operations sa Northview 1; Pangasinan St.; Batallion St.; Barangay Batasan Hills partukular sa Pacamara St., sa Barangay Commonwealth sa Diatrict 2.
Isinailalim na rin sa declogging operations ang bahagi ng Quezon Memorial Circle at ang manhole inlet installation sa Elliptical bikelane na sakop ng District 4.
Asahan pa ang clean-up at declogging operations sa iba pang lugar na kadalasang binabaha kapag may malalakas na pag ulan. | ulat ni Rey Ferrer