Hinarang ng mga tauhan ng Bureau of Immigration sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang apat na babaeng biktima ng human trafficking na pinangakuang magtrabaho bilang household service worker sa Lebanon.
Ayon kay Immigration Commissioner Norman Tansingco, una nang na-clear ang tatlo sa mga biktima nang maharang ito habang papasakay sa isang Air Asia Flight patungong Kuala Lumpur sa Malaysia.
Habang ang isa pang biktima na papasakay na rin sana ng Cebu Pacific flight ang naharang din matapos tangkain namang pumuslit patungong Bangkok sa Thailand.
Nabatid na nagpanggap na mga turista ang nabanggit na mga Pinoy, subalit umamin din kalaunan na ang tunay nilang destinasyon ay sa Lebanon.
Iginiit naman ni Tansingco, na ang pagpapadala ng mga Pinoy sa ibang bansa nang walang kaukulang mga dokumento ay malaki ang banta sa kanilang siguridad lalo na sa mga bansang may umiiral na deployment ban.
Ang mga biktima ng trafficking ay inilipat sa Inter-Agency Against Trafficking (IACAT) para sa imbestigasyon at pagsasampa ng kaso laban sa kanilang mga recruiter. | ulat ni Jaymark Dagala