Nirerespeto ng Philippine National Police (PNP) ang apela ni Davao City Mayor Sebastian Duterte kontra sa pagsibak sa pwesto ng 35 pulis ng lungsod kabilang ang Chief of Police, kasunod ng pagkamatay ng pitong drug suspek.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief Police Col. Jean Fajardo, malugod na tinatanggap ng pamunuan ng PNP at Police Regional Office (PRO) 11 ang pahayag ni Mayor Duterte na naging epektibo ang Davao City Police sa pagpapatupad ng kapayapaan at kaayusan sa lungsod.
Nilinaw naman ni Fajardo na ang pagkakasibak sa pwesto ni Davao City Police Office (DCPO) Chief Police Col. Richard Bad-ang, pitong station commanders, apat na deputy commanders, at 23 non-commissioned officers (NCOs), ay “administrative relief” lang para bigyang daan ang imbestigasyon ng Regional Internal Affairs Service.
Normal lang aniya ito para sa mga pulis na nadadawit sa pagkakamali, at hindi ibig sabihin na “guilty” na sila.
Binigyang-diin ni Fajardo na kung sakaling lumabas sa imbestigasyon na walang nilabag ang mga pulis, partikular sa Police Operational Procedure, ay maari din silang makabalik sa pwesto o mabigyan ng posisyon na angkop sa kanilang kwalipikasyon. | ulat ni Leo Sarne