Nagsampa na ng kasong murder at paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Law ang Makati City Prosecutors Office sa Makati Regional Trial Court, laban sa suspek sa pamamaril at pagpatay sa isang family driver sa insidente ng road rage noong Mayo 28 sa EDSA-Ayala tunnel.
Ito ang iniulat ni PNP Public Information Office Chief Police Col. Jean Fajardo, kasabay ng pagsabi na dahil sa murder ang kasong kinakaharap ng suspek na si Gerrard Raymond Yu, ay wala itong piyansa.
Ayon kay Fajardo, nag-positibo sa paraffin test si Yu, at nag-match ang basyo ng bala na narekober sa crime scene sa isa sa mga baril na nakuha sa kanya.
Sinabi ni Fajardo na base sa resolusyon ng prosecutor, umano’y hinabol at tinapatan ni Yu na sakay ng itim ng Mercedes ang Toyota Innova na minamaneho ng biktimang si Aniceto Mateo, at pinaputukan ng baril, na nagresulta sa agarang pagkamatay nito.
Si Yu, na tumakas pagkatapos ng insidente, ay naaresto din kinabukasan sa hot pursuit operation ng mga pulis, at narekober sa kanya ang itim na Mercedes at baril na umano’y ginamit sa krimen. | ulat ni Leo Sarne