Pinapurihan ni Bicol Saro Party-list Representative Brian Yamsuan ang atas ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na pag-aralan ang pagbubuo ng isang legal department sa Philippine National Police (PNP).
Layunin nito na bigyang proteksyon ang kapulisan mula sa ‘harassment’ at mga maling paratang.
Bilang dating assistant secretary ng Department of the Interior and Local Government (DILG), batid ni Yamsuan ang hamong ito na hinaharap ng PNP kung saan ang suspek pa ang may kakayahang kumuha ng serbisyo ng mga batikang abogado.
“Nagpapasalamat tayo kay Pangulong Marcos Jr. sa paghahain niya ng solusyon sa problema ng PNP kapag nakakaharap sila sa [mga] high-profile cases kung saan ang mga suspek ay may magagaling na abogado. Sa halip na ang suspek ang masampahan ng kaso ay ang pulis pa ang nakakasuhan dahil kulang sila sa gabay at suporta ng mga legal expert,” ayon kay Yamsuan.
Kaya marapat lang aniyang palakasin ang kasalukuyang legal service ng PNP at magkaroon ng isang departmento o unit na binubuo ng mga eksperto sa criminal law.
“Ang tanging gagawin ng unit na ito ay tulungan ang mga pulis na nahaharap sa mga kaso tulad ng pinag-utos ng ating Pangulo,” ani Yamsuan.
Muli ring iginiit ni Yamsuan ang kahalagahan ng pagsusuot ng mga body worn camera ng mga PNP personnel tuwing magsasagawa ng mga police operation para maging lalong mas matibay ang ebidensyang ihaharap ng mga pulis sa korte laban sa mga suspek ng krimen.
“Bilang dagdag na proteksyon, dapat ay makagawian na rin ng mga pulis ang paggamit ng body worn camera. Sa ganitong paraan, maiiwasan ang harassment at pang-aabuso sa panig ng kapulisan at maging sa panig ng naakusahan ng krimen. Parehong panig ang mapoproteksyunan,” dagdag pa ni Yamsuan.
Kasalukuyan nang nakasalang sa technical working group ng House Committee on Public Order and Safety ang panukala na gawing requirement sa PNP ang pagsusuot ng body worn camera. | ulat ni Kathleen Jean Forbes