Nagsagawa ng inspeksyon ang Department of Transportation kasama ang Department of Finance, MMDA at lokal na pamahalaan ng Parañaque sa bagong istasyon ng LRT-1 na Dr. Santos terminal.
Pinangunahan nina Transportation Sec. Jaime Bautista at Finance Sec. Ralph Recto ang naturang inspeksyon.
Ayon kay Bautista, inaasahang magbubukas ang nasabing terminal bago matapos ang taong kasalukuyan.
Inaasahan naman ni Recto na maraming Pilipino ang matutulungan ng LRT-1 extension project kung saan makakatulong naman ito pabalik sa ekonomiya.
Paliwanag ni Recto kumbinyente ang nasabing extension ng LRT Line 1 dahil mula Quezon City ay maaari nang magtungo sa PITX at airport gamit ang tren.
Posible aniyang makabawas ito sa bigat ng trapiko sa Metro Manila at makabawas din ng demand sa produktong petrolyo na pawang may epekto sa lagay ng ekonomiya ng bansa. | ulat ni Lorenz Tanjoco