Patuloy ang pag-anyaya ng Pamahalaang Lungsod ng Las Piñas sa Independence Day Job Fair nito ngayong araw.
Kasalukuyan itong idinaraos sa magkahiwalay na lugar at pinangunahan ng Public Employment Service Office sa direktiba nina Mayor Mel Aguilar at Vice Mayor April Aguilar para sa tuloy-tuloy na serbisyo sa mga aplikanteng Las Piñero.
Nagsimula ang job fair sa ganap na alas-9 kaninang umaga at ito ay tatagal hanggang alas-3 ng hapon sa Robinson’s Place Las Piñas at SM Center Las Piñas.
Pinapayuhan ang mga aplikante na magdala ng tatlo o higit pang resume o biodata, ballpen at magsuot ng corporate attire.
Patuloy ang lokal na pamahalaan sa pagtataguyod ng mga hakbang nito upang siguruhin ang matatag na kabuhayan ng mga residente.
Bilang paggunita sa Araw ng Kalayaan ay umaasa ang Las Piñas LGU na sama-samang alalahanin at bigyang pugay ang mga bayani at nawa’y magsilbing inspirasyon ang mga ito sa bawat Pilipino sa pagharap sa mga hamon sa kasalukuyan tungo sa pag-unlad ng sarili at ng bayan. | ulat ni Lorenz Tanjoco