Talamak na ring ibinebenta sa Mandaluyong City ang cosmetics na kontaminado ng mercury.
Ayon kay EcoWaste Coalition National Coordinator Aileen Lucero, dapat gumawa ng mga hakbang ang Mandaluyong City government at Food and Drug Administration (FDA) para masugpo ang bentahan ng ipinagbabawal na skin whitening products.
Batay sa market surveillance na isinagawa ng grupo mula Hunyo 9 hanggang 13, may 12 beauty products at drug stores ang nagbebenta ng cosmetics na ipinagbabawal ng FDA.
Tatlo sa mga tindahang ito ay nasa loob ng Marketplace Shopping Mall, Starmall EDSA-Shaw, at Shaw Center Mall. Apat naman ay matatagpuan sa Shaw Boulevard MRT Station at lima ay nasa F. Martinez at Nueve de Pebrero Streets.
Isa sa mga nagtitinda ng banned mercury cosmetics ay isang ‘pharmacy’.
Kabilang sa mga ibinebenta ang Goree Beauty Cream with Lycopene, Goree Day & Night Beauty Cream, Goree Gold 24K Beauty Cream, 88 Total White Underarm Cream, at Jiaoli Miraculous Cream.
Ang Goree products ay mula sa Pakistan at mula taong 2017 hanggang 2023, ipinagbabawal na ito ng FDA. | ulat ni Rey Ferrer