Nagpakalat na ng mas maraming tauhan ang Philippine National Police (PNP) sa iba’t ibang panig ng bansa.
Alinsunod na rin ito sa kautusan ni Interior and Local Government Sec. Benhur Abalos Jr. na magkaroon ng ‘heightened police presence’ at foot patrol upang mabilis na makatugon sa anumang krimen at iba pang insidente.
Ayon kay PNP Chief, PGen. Rommel Francisco Marbil, nagbaba na siya ng direktiba sa lahat ng regional, provincial, city at municipal police stations na palakasin pa ang kanilang kampanya gaya ng Oplan Galugad, Oplan Sita gayundin ang kanilang motorcycle patrols.
Paliwanag ng PNP chief, kung malakas ang presensya ng pulisya sa mga pampublikong lugar, makatitiyak ang mga komunidad na sila’y magiging ligtas.
Una nang sinabi ni Marbil na nais niyang bawasan ang office o clerical work ng mga pulis at nais niyang maging aktibo sa field duties ang 85 porsyento ng kanilang mga tauhan.
Sa ganitong paraan aniya, hindi lamang masisigurong ligtas ang mga Pilipino mula sa masasamang elemento kundi makabubuo rin ito ng tiwala at suporta mula sa publiko. | ulat ni Jaymark Dagala