Kinumpirma ng Nueva Vizcaya Provincial Police Office na may sumiklab na engkuwentro sa pagitan ng mga tropa ng militar at ng CPP-NPA kaninang madaling araw.
Batay sa ulat na ipinarating ng Nueva Vizcaya PNP sa Kampo Crame, nangyari ang engkuwentro 12:30 ng madaling araw sa Sitio Marikit, Brgy. Abuyo, Alfonso Castañeda subalit naiulat ito sa kanila dakong alas-dos ng umaga
Nabatid na tumagal ng hindi bababa sa isa’t kalahating oras ang engkuwentro sa pagitan ng mga sundalo at rebelde subalit nakatakas ang mga ito patungo sa bulubunduking bahagi ng nasabing bayan.
Matapos ang engkuwentro, agad inilikas ng militar ang mga residente sa pinangyarihan ng engkuwentro katuwang ang mga tropa mula sa 2nd Special Action Battalion ng SAF at Alfonso Castañeda Municipal Police Station.
Agad ding nagasagawa ng checkpoint ang mga pulis sa Manuel L. Quezon National Highway sa Bgry. Lublob gayundin sa bahagi ng Marikit East sa Brgy. Abuyo.
Naka-alerto rin ang mga pulis sa Dupax del Sur at Dupax del Norte para maipakalat din sakaling kailanganin. | ulat ni Jaymark Dagala