Planong magtayo ng Department of Agriculture (DA) ng kauna-unahang food hub sa Marikina City.
Ang food hub na ito ay magsisilbing tulay sa pagitan ng mga magsasaka at kooperatiba upang direktang maihatid ang kanilang mga produkto sa mga mamimili sa mas mababang presyo.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel, Jr., ang proyektong ito ay bahagi ng mas malawak na plano ng DA na mapalakas ang supply chain ng mga produktong agrikultural at masiguro ang sapat na suplay ng mga ito sa abot-kayang presyo, lalo na sa mga lugar na mataas ang demand.
Kasalukuyang nakikipag-negosasyon ang DA para sa isang joint venture o long-term lease sa isang ektaryang lupa sa BFCT Bagsakan Center sa Marikina para unang lokasyon ng food hub.
Inaasahan namang matatapos ang konstruksyon ng mga pasilidad, kabilang ang cold storage at dry warehouses sa loob ng 12 buwan. | ulat ni Diane Lear