Simula ngayong araw, lilimitahan lamang sa light vehicles ang makakadaan sa U-turn slot sa parehong Northbound at Southbound lanes sa ilalim ng EDSA Quezon Avenue flyover.
Sa abiso ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), lahat ng buses, trucks, at iba pang sasakyang may 2.50 meters pataas ay pinagbabawalan munang dumaan simula alas-7:00 ng umaga ngayong araw.
Ang pagsasara ng U-turn slot ay para bigyang daan ang installation ng scaffolding sa ilalim ng flyover na maglilimita sa vertical clearance sa 2.5 metro lamang.
Ang aktibidad ay bahagi ng proyekto ng Department of Public Works and Highways – National Capital Region (DPWH – NCR) na retrofitting sa EDSA Quezon Avenue flyover.
Lahat ng apektadong buses at trucks ay pinapayuhang dumaan muna sa alternatibong ruta:
Mula EDSA Southbound, maaaring kumaliwa
– Quezon Avenue
– kaliwa sa Senator Miriam Defensor Santiago Ave. O dating Agham Road
– kaliwa sa North Avenue
– sa Mindanao Ave. o EDSA at tuloy na sa kanilang destinasyon
Mula naman sa EDSA Northbound:
– Diretso patungo sa North Avenue
– Mag-U-turn sa harap ng Quezon City Academy at tuloy na sa kanilang destinasyon
Ayon sa MMDA, inaasahang matatapos ang retrofitting work sa Agosto 4. | ulat ni Rey Ferrer