Mariing pinabulaanan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na muli silang nagsagawa ng air drop Rotation and Re-Supply Mission sa BRP Sierra Madre.
Ayon kay AFP Public Affairs Office Chief, Col. Xerxes Trinidad, ang kumakalat na larawan ng umano’y air drop RoRe ay kuha noon pang Disyembre 2021 na bahagi ng kanilang Christmas mission.
Kasunod nito, umapela si Trinidad sa publiko na ugaliing i-verify ang mga nakukuhang impormasyon sa social media at huwag basta-basta maniniwala, lalo na kung sa hindi mapagkakatiwalaang source.
Ang mga ganito aniyang hakbang ay makapagdudulot ng kalituhan sa publiko kaya’t dapat maging responsable ang lahat sa pagpapakalat ng impormasyon.
Tiniyak ng AFP na tanging ang mga tama, tunay at napapanahong impormasyon ang kanilang ibibigay sa publiko. | ulat ni Jaymark Dagala